Christopher de Leon, inilahad na muntik nang makulong ang anak na si Ian
Sa presscon ng bagong GMA primetime series na Beautiful Strangers, ibinahagi ng batikang aktor na si Christopher "Boyet" de Leon na muntik nang makulong ang kaniyang anak at kapwa aktor din na si Ian de Leon.
Sa ulat ni Rey Pumaloy sa Philippine Entertainment Portal (PEP), sinabi ni Boyet na nagkaroon ng malaking problema si Ian kaya muntik na itong makulong.
“Last time nagkaroon ng problema si Ian... major-major problem," hindi binanggit ni Boyet kung ano ang naturang problema pero hindi raw ito tungkol sa droga.
Nalampasan daw ni Ian ang naturang pagsubok sa tulong ng kaniyang asawa na si Sandy Andolong.
"Pero si Sandy and her family ang tumulong. Siya ang nag-finance. Siya lahat.
"Walang drugs, walang ganun. Basta, major problem," ani Boyet.
Si Ian ay anak ni Boyet sa dating asawa na si Superstar Nora Aunor.
May lima namang anak sina Boyet at Sandy na sina Miguel, Gabriel, Mariel, Sandino, at Michaela.
Natutuwa si Boyet na nalampasan ng kaniyang anak na si Ian ang naturang pagsubok at ngayon ay lumagay na rin sa tahimik matapos magpakasal noong July 12 sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Jennifer Orcine. (For the full story, visit PEP.)
-- FRJ, GMA News