'AlDub' hashtag breaks another record on Twitter
Sumira na naman ng panibagong record ang isang AlDub hashtag ngayong Sabado, September 12.
Ang hashtag na #ALDUBTheAbduction ay umabot ng mahigit 6 million tweets sa loob ng 24 oras, at naging top trending topic hindi lamang nationwide kundi worldwide.
Nalampasan nito ang 5.8 million (5,807,200) tweets na naitala ng #ALDUBBATTLEForACause noong September 5, araw rin ng Sabado.
Ang #ALDUBTheAbduction na ngayon ang may hawak ng pinakamaraming tweets sa kasaysayan ng Pilipinas.
Tinutukan ng netizens at AlDub fans ang episode ng Kalyeserye kahapon, kung saan muling nagkita sina Alden at Yaya Dub.
Kung noong isang linggo ay may plywood na humarang sa kanila, ngayon namang Sabado ay naka-blindfold sila.
Pero may ilang sandali na nagkita sina Alden at Yaya Dub.
Maliban dito ay saglit din nilang nahawakan ang isa't isa at uminom sila sa iisang straw.
ALDEN ON MAGPAKAILANMAN. Maliban sa #ALDUBTheAbduction, naging trending topic din ang hashtag na #AldenRichardsOnMPK.
Ito ay para sa pagpapalabas muli ng life story ni Alden sa drama anthology ng GMA Network na Magpakailanman.
Ang nasabing episode ay unang ipinalabas noon pang April 2013, pero dahil sa napakarami raw fans na humiling na mapanood ito muli, nagdesisyon ng GMA management na i-replay ito kagabi.
Tinalakay sa nasabing episode ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Alden bago niya marating ang kinalalagyan niya ngayon; kabilang na ang maagang pagkamatay ng kanyang ina na siyang may gustong mag-artista siya at ang mga pagkabigo niya sa talent searches.
May bago ring interview si Alden kasama ang host ng Magpakailanman na si Mel Tiangco.
Nagpasalamat naman si Alden, sa pamamagitan ng Twitter, sa pagpapa-trend para sa #AldenRichardsOnMPK. -- For the full story, visit PEP.