ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Therese Malvar dedicates international awards to Filipinos


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 


Kahit na isang award-winning actress na ang teen actress na si Therese “Teri” Malvar, hindi raw niya ito ginagawang basehan sa pagtanggap niya ng mga projects sa TV at pelikula.

Para kay Teri, mas importante raw na marami siyang nakakatrabahong artista at direktor para mas lalo pa raw siyang matuto mula sa mga ito.

“Hindi ko po iniisip na award-winning actress po ako. Ginagawa ko lang po ang trabaho ko at para sa akin, bonus po ang mga awards na iyon dahil sa mga nagawa kong tama sa trabaho."

“Importante po sa akin ang magandang pakikisama ko sa mga ibang artista at nagagawa kong tama ang mga pinapagawa sa akin ng direktor namin.

“Bale wala po ang mga awards kung hindi ka marunong makisama sa ibang tao,” pahayag ni Teri.

Sa edad na 13 anyos ay nanalo na si Teri ng kanyang unang Best Actress award sa 2013 CineFilipino Film Festival para sa pelikulang "Ang Huling Cha-Cha ni Anita" kung saan gumanap siya bilang isang batang lesbian.

Nanalo ulit siya ng Best Actress sa Cinema One Originals 2015 for "Hamog" kung saan gumanap siya bilang isang palaboy at nagnanakaw na batang kalye.

Tatlong international awards naman ang napanalunan niya kamakailan.

Ito ay ang Outstanding Artistic Achievement Golden Goblet Award at the 2016 Shanghai International Festival; Screen International Rising Star at the 2016 New York Asian Film Festival; at Best Actress sa 2016 Moscow International Film Festival para sa pelikulang "Hamog."

Pinoy pride

Ikinatutuwa ni Teri ang pagkapanalo niya dahil nire-represent niya ang Pilipinas at pinagmamalaki niya na maraming mahuhusay na artista at direktor sa ating bansa.

Pagmamalaki niya, “Tuwing tatanggap po ako ng award, laging kasama ang buong Pilipinas sa pagkapanalo ko.

“Pinagmamalaki ko po na isa akong Filipino at bansa tayo ng mga artists. Mahusay po tayo sa larangan ng pag-arte, sayaw at pagkanta. Maipapagmamalaki natin lahat 'yan sa buong mundo.”

Inherited acting talent

Minana raw ni Teri ang kanyang husay sa pag-arte mula sa kanyang inang si Cherry Malvar na isang theater actress.

“Noong pinagbubuntis daw ako ni Mommy, gumawa pa siya ng isang stage play. Kaya po siguro sa pagbabasa ni Mommy ng script at sa pag-arte niya, na-absorb ko iyon habang nasa tiyan niya ako,” kuwento pa niya.

Kaya laking gulat ng pamilya ni Teri na may angking talino pala ito sa pag-arte.

“Nagulat po sila noong malaman nila na pumasa ako sa auditions para sa Huling Cha-Cha ni Anita. Hindi nila alam na nakakaarte pala ako,” tawa pa niya.

Ngayon ay kasama si Teri sa teleserye na "Oh, My Mama" kung saan bida si Inah de Belen.

Kung meron daw gustong makatrabaho pa si Teri, ito ay ang Kapuso Teen Queen na si Barbie Forteza.

“Nakasama ko na si Barbie noong mag-guest po ako sa 'That’s My Amboy.' Pero gusto ko siyang makasama sa isang indie movie kasi favorite ko siya at ang galing niya po umarte,” lahad pa niya. —PEP

For more showbiz stories, visit PEP.