Anak ni Dick Israel, nagpasalamat sa mga tumulong at nagmahal sa kaniyang ama

Sa Linggo, October 16, alas singko ng hapon, nakatakda ang cremation para sa mga labi ng namayapang aktor na si Dick Israel o Ricardo Michaca sa totoong buhay.
Pumanaw ang beteranong aktor sa edad na 68 nitong nakaraang Martes, October 11.
Noong Miyerkules, nauna nang nagpakita ng kanilang pakikiramay sa mga kaanak ni Dick sina Nadia Montenegro, Ynez Veneracion, Patricia Javier, at Jay Manalo.
Kagabi, October 14, nakilamay ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mga kaanak ng namayapang aktor.
Idinaos din ang necrological services kay Dick na pinangunahan ng Oasis of Love.
Nandoon sa St. Peter’s Chapel ang beteranang aktres at pangulo ng Damay Kamay Foundation na si Vivian Velez.
Ayon kay Vivian, marami silang pinagsamahang pelikula ni Dick. Masayahing tao raw at palabiro ito.
Nitong nakaraang Hulyo, nasunog ang bahay ni Dick, at malaking bagay ang nagawa ng Damay Kamay, ang samahan ng mga artistang tumutulong sa kapwa artistang nangangailangan.
Sila ang nanguna upang makalipat sa bagong bahay ang pamilya ng aktor.
Sabi pa ni Vivian, “Nakita ko naman sa kanya kahit ganyan ang kanyang sitwasyon, he was still fighting. Parang hindi siya naggi-give up.”
Dagdag pa niya, masaya raw siya ngayon na maraming artista ang nagpapaabot ng tulong sa Damay Kamay para sa mga nangangailangan.
Dagdag pa niya, “Siguro kami lang yung way… managing the donations.
'We see to it na mapunta sa tama ang mga donasyon. Kami as mga officer, tumutulong din [mula sa aming mga sariling bulsa] pero ang maganda dun, yung mga artista mismo, sila mismo, tatawagan nila ako magtatanong kung saan ipapadala ang mga tulong nila.”
Bukod kay Vivian, namataan din ng PEP sa lamay kagabi sina Pen Medina, Jay Manalo, Tess Antonio, at Rez Cortez.
Nakausap din ang PEP si Laralyn Michaca, ang pangatlong anak ni Dick na galing pang Dubai.
Mangiyak-ngiyak niyang inalala ang ama na umano'y napaka-thoughtful at lagi siyang sinasabin na paborito niyang anak.
Aniya, “Lagi ako nami-miss niyan, e. Mami-miss ko yung lagi niya akong kinakamusta kasi ako lang yung malayo.”
Malaki ang pasasalamat niya sa mga taong nakikiramay sa kanila at sa mga artistang tumutulong sa kanilang pamilya. -- For the full story, visit PEP.ph