Mikael Daez, may sagot sa hiling ni Lauren Young na pakasalan na si Megan Young

Sinagot ng Kapuso actor na si Mikael Daez ang naging hiling sa kaniya ni Lauren Young na pakasalan na ang kapatid nito na si 2013 Miss World Megan Young.
Ginawa ni Lauren ang pahayag dahil sa kailangan daw na maunang maikasal si Megan bago naman sila magpakasal ng kaniyang non-showbiz boyfriend na si Robbie Garcia.
Pero sa ulat ni Rommel Gonzales na lumabas sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Sabado, natatawang sinabi umano ni Mikael na, "Huwag muna, chill muna.”
Kamakailan lang ay inamin na ni Mikael ang anim na taon na ang relasyon nila ni Megan.
Pag-amin ng aktor, noon ay plano raw niyang magkaroon na ng pamilya sa edad na 25 pero nagbago na raw ito.
“Bumaligtad na, e. Bakit? Nagkaroon ako ng kapatid na bunso na two years old. Hassle magka-baby, ang hirap,” natatawang paliwanag ng aktor na ngayon ay 29-anyos.
Gayunman, aminado rin si Mikael na mayroong bentahe ang pagkakaroon ng anak sa mas batang edad dahil makakasabay niya ito sa paglaki gaya ng nangyari sa kanila ng kaniyang ama.
“Iyon ang trade-off, dahil ipinanganak ako, yung daddy ko twenty-four years old. So lumaki ako, nagba-basketball yung tatay ko, machong-macho pa rin. So, tinitingnan natin,” patuloy niya.
Matapos pumanaw ang kaniyang ama... limang taon na ang nakararaan, nagkaroon ng bagong pag-ibig ang kaniyang ina, at nagbunga ito ng kanilang bunsong kapatid na nauna niyang tinukoy.
Bagaman nasabi ni Mikael na mahirap ang magkaroon ng baby, inihayag naman ng aktor ang kasiyahan sa kanilang bunso.
“Dumpling na dumpling, siomai na siomai ang itsura,” saad ni Mikael na bibida sa bagong Kapuso Afernoon series na "Legally Blind," kasama sina Janine Gutierrez at Lauren.
Mapapanood na ang "Legally Blind" simula sa Lunes, na kabibilangan din nina Chanda Romero, Therese Malvar, Marc Abaya, Rodjun Cruz, Lucho Ayala, Ashley Rivera, at Camille Torres, sa direksyon ni Ricky Davao. -- FRJ, GMA News