Celine Dion, humingi ng paumanhin sa kanselasyon ng mga pagtatanghal niya sa US at Asia
Inihayag ng award-winning singer na si Celine Dion ang kanselasyon ng kaniyang kauna-unahan sanang pagtatanghal sa Pilipinas ngayong taon.
Sa inilabas na anunsiyo ni Celine sa kaniyang official Facebook account, sinabing bukod sa concert niya sa Pilipinas na bahagi sana ng kaniyang Asian tour, hindi na rin matutuloy ang kaniyang pagtatanghal sa Caesars Palace sa Las Vegas.
Nakatakda sanang magtanghal si Dion sa Pilipinas sa Nobyembre 29 sa Mall of Asia Arena, at Nobyembre 18 at 19 naman sa Tokyo. Mayroon siyang mga nakatalang pagtatanghal hanggang Marso ng susunod na taon.
Ayon kay Dion, ipagpapaliban niya muna ang lahat ng concerts niya upang alagaan ang kaniyang asawang si Rene Angelil, na sumailalim noong Disyembre sa operasyon upang tanggalin ang cancerous tumors sa lalamunan.
Kamakailan lang ay nagbitiw sa puwesto bilang manager ng singer ang asawa matapos ang halos 30 taon dahil sa sakit. Pinalitan siya ng kaibigan na si Aldo Giampaolo.
Nagkakilala ang dalawa sa simula pa lamang ng career ni Dion. Nagpakasal sila noong 1994 at nagkaroon ng tatlong anak.
Ani Dion sa kanyang Facebook page, "I want to devote every ounce of my strength and energy to my husband’s healing, and to do so it’s important for me to dedicate this time to him and to our children."
Nagpapasalamat naman ang singer sa kaniyang fans na patuloy na sumusuporta, at humihingi siya ng paumanhin sa aberyang naidulot ng kanselasyon. “I also want to apologize to all my fans everywhere, for inconveniencing them, and I thank them so much for their love and support.”
Bukod sa paggaling ng asawa, tinututukan rin ni Dion ang sarili niyang kalusugan.
Noong 2012, nagkansela ang aktres ng lineup ng concerts sa America dahil sa problema sa vocal chords. Nitong Hulyo naman, ikinansela ng singer ang concert sa Las Vegas dahil sa inflamed throat muscles. Ayon sa mga doktor, hindi pa tuluyang gumagaling si Dion mula rito.
Dagdag ng mang-aawit, “It’s been a very difficult and stressful time for the couple as they deal with the day-to-day challenges of fighting this disease while trying to juggle a very active show business schedule, and raise their three young children."
Hindi pa malinaw kung kailan muling babalik ang singer sa pagtatanghal.
Maaaring namang humingi ng refund ang mga nakabili na ng tickets para sa concerts ni Dion. - BRDabu/FRJ, GMA News