Filtered By: Showbiz
Showbiz

Onyok Velasco, balik-pagpapasaya sa ‘Sunday Pinasaya’


Bumisita sa Kapuso comedy variety show na "Sunday Pinasaya" nitong Linggo ang kilalang boksingero na si Mansueto "Onyok" Velasco Jr. upang makisaya sa "Chef Boy Next Door" segment kasama sina Alden Richards at Jerald Napoles.
 
Mula sa Negros Occidental, nakilala si Onyok sa buong mundo nang manalo siya ng silver medal sa men's light-flyweight boxing category ng 1996 Summer Olympics sa Atlanta, Georgia.
 
Sumunod siya sa yapak ng kapatid na si Roel Velasco, na nanalo naman ng bronze sa parehong kategorya sa 1992 Summer Olympics.
 
Maliban sa pagpapakitang-gilas sa boxing ring, nakilala rin siya bilang isang magaling na komedyante.
 
"Champion sa larangan ng boxing at pati comedy!" ayon sa Pambansang Bae nang ipakilala si Onyok sa "Sunday Pinasaya."
 
Kabilang sa mga programang kinabilangan ni Onyok ang "Idol Ko Si Kap," "Show Me Da Manny," "Magic Palayok," "Manny Many Prizes," at marami pang iba.
 
 
Sumunod sa yapak nina Roel at Onyok ngayong taon ang Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz.
 
Isang karangalan ang iniuwi ni Hidilyn nang masungkit niya ang silver medal sa women's 53-kg weight division ng 2016 Summer Olympics, dalawampung taon mula nang huling makapaguwi ng medalya ang isang Pilipino mula sa prestihiyisong sports event. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News