Pacquiao ipinasyal ang bunsong anak na si Israel nang naka-tricycle
A tricycle driver was surprised yesterday aftenoon when he was stopped by Cong. Emmanuel Pacquiao infront the gate of...
Posted by Sombrio Sannie on Friday, February 5, 2016
Kumakalat ngayon sa social media ang pagsakay ni Pambansang Kamao, Manny Pacquiao, sa isang tricycle sa General Santos City kasama ang kaniyang bunsong anak na si Israel.
Sa serye ng mga larawang ipinost ng isang Sannie Sombrio na isa umanong alalay ng kongresista, karga ni Pacquiao ang isang taong gulang na anak na tila may hinihintay habang naka-antabay sa kaniyang tabi ang yaya ng bata.
Sa susunod na kuha ay nakasakay na ang Pambansang Kamao sa tricycle habang karga naman ng Yaya ang bata at sumunod ang isa pa na lulan na sila ng asul na sasakyan.
Ipinakita rin sa serye ng larawang ipinost ni Sombrio na bumibili sa isang sari-sari store si Pacquiao. Natapos ang serye na ipinakitang may iniaabot si Pacquiao sa nakatawang tricycle driver.
Ang serye ng mga larawan y mayroon ng 177 shares at 134 likes 12 oras mula nang mai-post ito dakong alas-10 ng umaga ng Sabado.
Paliwanag ni Sombrio, na tumatayong secretary-general para sa Region 12 ng Association of Boxing Alliances of the Philippines, sa caption ng kaniyang post na nasorpresa umano ang tricycle driver nang parahin siya ng Pambansang Kamao sa tapat ng gate ng mansion nito sa Dadiangas Heights sa General Santos City.
Aniya, ito umano ang first time ni Baby Israel na sumakay ng tricycle. Nais umano ng eight-division world boxing champion na maranasan ng kaniyang mga anak ang simpleng pamumuhay.
Ayon kay Sombrio, inabutan ng premyadong boksingero ng P1,000 ang tricycle driver na tuwang-tuwa dahil sa agad siyang naka-boundary at di na kailangang pumasada pa sa maghapon.