ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dahil sa krisis: Mga magsasaka sa Bulacan nagbalik sa tradisyunal na pagtatanim


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MALOLOS CITY, Bulacan – Pagbalik sa tradisyunal na paraan ng pagsasaka ang naisip na solusyon ang ilang magsasaka sa lalawigang ito upang malampansan ang krisis sa ekonomiya at makatipid sa abono at binhi. Sa panayam kay Agaton Milagroso ng Brgy. Balite sa lungsod na ito, marami sa kanila ang bumalik na sa tradisyunal na pagsasaka o paggamit ng mga organikong pataba at sinaunang binhi. Paliwanag ni Milagroso, mas matipid ang sistema ng tradisyon na pagsasaka at mas malaki ang kita sa sinaunang binhi tulad ng "black rice." Ayon sa magsasaka, binibili niya ang black rice sa grupo ng System of Rice Intensification (SRI). Ang 300 gramo umano ng black rice ay kayang umani ng tatlong kabang palay na tumitimbang ng 50 kilo bawat isang kaban. Sa isang ektaryang bukirin na pinagtaniman nya ng black rice, inaasahan ni Milagros na makakaani siya ng 100 kaban sa Marso. May order na rin umano para sa kanyang black rice na nagkakahalaga ng P40 bawat kilo. Mas mahal ito kumpara sa pangkaraniwang bigas na ang presyo ay P30 bawat kilo. Ayon kay Liza Sacdalan, tagapagsalita ng Central Luzon Organic Rice Producers (CLORP), ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo noong unang bahagi ng 2008 ay nagtulak sa mga magsasaka upang humanap ng ibang pamamaraan sa pagsasaka. "Nahirapan sila sa taas ng presyo ng chemical fertilizer at hybrid seeds kaya nakumbinsi silang magbalik sa organic farming at ang ginamit nila ay mga sinaunang binhi," ani Sacdalan. Ang mga magsasaka na kasapi ng CLORP ay gumamit din ng paraang organiko at nagtanim ng mga sinaunang binhi na kanilang pinaparami. "Nagsi-seed banking na kami para kung sakaling kailangan ng mga magsasaka ang binhi ay mayroon silang makukuha at maitatanim," paliwanag ni Sacdalan. Kabilang sa mga uri ng sinaunang binhi na pinararami ng mga kasapi ng CLORP ay ang Metanora, San Pablo, Mindoro, Dinorado, Borong Red, Melon, Pangasinan, at iba pa. Inihayag naman ni Jess Las Marias, rice scientist na nagsusulong ng organikong pagsasaka gamit ang sinaunang binhi, mas makatitipid ang mga magsasaka sa organikong paraan ng pagtatanimdahil hindi na nila kailangan gumagamit ng abonong kemikal na sobra ang mahal ng presyo ngayon. - GMANews.TV