Sikat na subdibisyon sa Muntinlupa, sinalakay muli ng PDEA
Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang bahay sa isang sikat na subdibisyon sa Alabang sa Muntinlupa nitong umaga ng Sabado. Tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride (shabu) na nagkakahalga ng P10 miylon at mga sangkap sa paggawa ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad, ayon sa ulat ng dzBB radio. Bigo namang madakip ang mga Chinese national na sinasabing nagrerenta sa sinalakay na bahay sa Kanlaon St, Ayala, Alabang. Sunod na pinuntahan ng mga operatiba ang bahay sa Country Club Drive kung saan nakuha ang mga kemikal na sangkap sa paggawa ng shabu. Ito na ang ikalawang pagsalakay ng mga tauhan ng PDEA sa nabanggit na subdibisyon ngayong Enero. Nitong Enero 6, limang Chinese nationals ang dinakip ng PDEA matapos maabutan sa isang bahay sa Acacia Avenue sa Ayala, Alabang, kung saan nadiskubre ang hinihinalang laboratoryo sa paggawa ng shabu. Mismong mga residente sa lugar ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa aktibidad ng mga tao sa naturang bahay. — FRJ, GMA News