Mga pulis-Maynila at pulis-Q.C., nagkagirian sa entrapment ops sa kapwa nila mga pulis
Tinatayang isang oras na nagkagirian ang ilang pulis na operatiba ng Manila City Hall, kontra naman sa pulis na nakatalaga sa Station 2 ng Quezon City, dahil sa isinagawang entrapment operation na ang pakay ay mga kapwa rin nila pulis na sangkot umano sa pangingikil. Sa ulat ni GMA News Reporter Saleema Refran sa Balitanghali nitong Sabado, sinabing naganap ang standoff dakong 1:00 a.m. sa Bgy Masambong, Quezon City. Inabutan ng GMA News ang magkabilang panig na nagsisigawan at nagpapaalalahan na pareho-pareho silang mga pulis. Nakasakay na sa van ng mga tauhan ng Manila Police District-City Hall Public Assistance o Chapa, ang tatlong pulis na kanilang hinuli at nakatalaga sa Quezon City Police District. Ngunit hindi makaalis ang van ng MPD-Chapa dahil iniharang naman ng mga pulis ng QCPD ang kanilang mobile. Nais ng mga operatiba ng QCPD na ibigay sa kanila ang kostudiya ng tatlo nilang kasamahan at si Randy Bautista, na sinasabing kinikilan ng mga pulis ng QCPD. Reklamo ni Bautista, ilegal siyang hinuli ng mga operatiba ng Quezon City sa isang mall sa Tayuman, Manila. Kinuha rin umano ang kanyang mga gamit at sinaktan. Humihingi rin umano ng P200,000 ang mga pulis kapalit ng kanyang kalayaan. Dahil dito, humingi ng tulong ang misis ni Bautista sa mga operatiba ng MPD-Chapa at ikinasa ang entrapment operation. Naabutan umano sa lugar ng operasyon ang mga pulis ng Quezon City na sina PO2 Eric Rano, PO1 Ervin Villarama, at PO1 Frederick Silos. Ngunit paliwanag ng operatiba ng Q.C., si Bautista ay dinakip dahil sa kasong carnapping. Habang nagaganap ang girian, mahigpit ang pakiusap ng mag-asawang Bautista na huwag siyang (Randy) ibigay ang mga pulis ng Quezon City dahil sa pangamba sa buhay. Upang maiwasan ang mas malubhang sitwasyon, pumayag ang MPD-Chapa na ibigay sa Police Station 2 ang kostudiya ni Randy at tatlong pulis na sangkot sa entrapment operation. “Ang mangyayari doon baka banggain namin ang mobile (ng Q.C. police) may mangyaring hindi maganda kaya medyo bumigay na kami… kasi teritoryo nila ‘yon," paliwanag ni Insp. Adelaido Araneta, Deputy Chief, MPD-Chapa. Tiniyak naman ng hepe ng QCPD-Station 2 ang seguridad ni Bautista at nangako itong magiging patas ang gagawin nilang imbestigasyon. “Wala naman tayo dapat saluhin dito na may kasalanan. Pero siyempre iimbestigahan muna natin," ayon kay Sr Insp. Richard Mepania, hepe ng QCPD-Station 2. -- FRJimenez, GMA News