ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Matt Evans, itinangging sinaktan ang live-in partner


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagsalita na ang aktor na si Matt Evans kaugnay sa kasong pananakit umano sa kanyang live-in partner at sa kapatid nito na naganap noong Sabado. Sa artikulong isinulat ni Joyce Jimenez na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Miyerkules, sinabing humarap si Matt sa isang press conference nitong Martes para ipaliwanag ang kanyang panig. Si Matt ay nahaharap sa reklamong Violence Against Women and Children at slight physical injuries. Nakulong siya sa police station noong Oktubre 21 at nakalaya nitong Lunes ng hapon matapos magpiyansa. Sa ulat, ikinuwento ng aktor na halos isang taon na silang nagsasama ng kanyang live-in partner na si Johnelline Hickins, na tatlong linggo pa lang ang nakalilipas ay nagsilang ng kanilang anak. Bukod kay Johnelline, sinasabing sinaktan din umano ni Matt ang kapatid ng una na si Juan Alberto Carlotta. (Basahin: Aktor na si Matt Evans, nakakulong dahil sa reklamong physical injuries) Inamin umano ni Matt sa naturang press con na hindi perpekto ang kanilang pagsasama ni Johnelline at may pagkakataon na mayroon silang hindi pinagkakaintindihan. Gayunman, hindi raw inakala ng aktor na aabot sa sakitan at demandahan ang lahat. Nasaktan din umano siya sa mga naglabasang pahayag tungkol sa nangyaring insidente. Dagdag pa niya, totoo na nagkaroon sila ni Johnelline ng maliit na pagtatalo bago ang insidente na umabot sa sakitan kung saan nadamay si Juan Alberto. Paggiit naman ng abogado ni Matt na si Atty. Joji Alonso, hihilingin nila na magkaroon ng muling imbestigasyon sa kaso dahil marami umanong kulang sa mga isinumiteng dokumento at salaysay. Dahil nasa korte na ang reklamo, iniwasan na ni Alonso na magbigay pa ng mga detalye. Pero itinanggi niya na itinulak ng kanyang kliyente sa hagdan si Johnelline at wala rin umanong hawak na patalim ang aktor. Inihayag naman ng aktor na hindi siya ang klase ng tao na mabigat ang kamay na basta na lamang mananakit. Kapag may problema, mas nanaisin daw niyang maayos ito kaagad para hindi na maging kumplikado. - FRJ, GMA News

Tags: mattevans