ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA Network, nananatiling numero uno sa ratings


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil mas marami pa ring nakatutok sa mga programa ng GMA-7, nananatili pa rin itong numero uno sa ratings, ayon sa Nielsen TV audience measurement mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon. Ayon sa ulat in Bernadette Reyes sa State of the Nation nitong Miyerkules ng gabi, mas malaki ang household audience shares ng Kapuso network (34.8%) kumpara sa ABS-CBN (31.4%) at TV5 (14.9%) sa National Urban Philippines category. Maging sa Urban Luzon, patuloy pa ring namamayagpag ang household audience share ng GMA-7 (38.6%) kumpara sa ABS-CBN (27.3%) at TV5 (14.4%), ayon pa rin sa Nielsen. Tuloy din ang pangunguna ng GMA-7 sa balwarte nito sa Mega Manila kung saan nakakuha ito ng 39.6% kumpara sa 25.7% ng ABS-CBN at 15% ng TV5. Sa isang press briefing nitong Miyerkules, masayang ibinalita ng pamunuhan ng Kapuso network na tumaas ng 13% sa P3.82 bilyon ang kabuuang kita ng kumpanya sa ikatlong quarter ng taon kumpara sa P3.38 bilyon noong nakaraang taon sa parehong panahon. Dumami rin ang mga pumasok na advertisers o airtime revenues: 14% sa GMA Channel 7 at 37% sa GMA News TV. Ayon kay GMA Chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon, marami pang mga bagong programa ang dapat subaybayan sa GMA sa mga susunod ng buwan. "We are still number one, ‘til this November marami tayong bagong programs na ilalabas and we are hoping that they will rate better than the programs of Channel Two," ani Atty. Gozon. Nagpapasalamat din si GMA President and COO Gilberto R. Duavit Jr. sa patuloy na pagsubaybay ng mga manunuod sa Kapuso network. "Nangunguna tayo nationwide. Of course this is accounted for ‘yung patuloy na pagtangkilik sa atin ng ating mga manonood sa mga lumilikha ng ating mga programa hanggang sa lahat ng kasapi ng network," saad nito. Gayundin, patuloy pa rin ang pag-upgrade ng GMA-7 sa mga transmitter nito upang patuloy pang mapaganda ang serbisyo para sa mga manonood. Wika pa ni GMA EVP at COO Felipe S. Yalong, "We are increasing ‘yung power, from five kilowatt we're putting up 10 kilowatt. So that will extend ‘yung coverage and at the same time ‘yung clarity ng signal will be better." — Mac Macapendeg/KBK, GMA News