Bagong bike lanes sa Metro Manila, nakararanas pa rin ng ilang problema
Matapos ang kamakailan lamang paglunsad ng bike lanes sa ilang bahagi ng Metro Manila, nakararanas pa rin ng ilang problema ang mga biker. Sa panayam ng "Kape at Balita" ng GMA News TV, ikinuwento nina Flor Bambao ng Montalban Cycling Club at Ramoncito Garcia ng Cycling Advocate kay Atty. Francis Tolentino, chairman ng MMDA, ang ilang problema na patuloy pa ring ikinahaharap ng mga biker sa Metro Manila. Ayon kay Bambao, malaking sagabal at mapanganib sa kanila ang mga bagay na nakaharang sa mga bike lane. "Kasi halimbawa, sa Marcos Highway, 'yung mga nakaharang, 'yung mga obstruction, 'yung mga nagtitinda. Hindi ka makaka-diretso ng byahe. Lalabas ka ng bike lane, pupunta ka sa highway, saka ka babalik sa lane," kwento niya. "Kaya nangyayari talaga, mas pinipili pa rin, para mas mabilis ang takbo, mas diretso ang takbo, highway talaga," dagdag niya. Iginiit ni Tolento na kanilang ipinagbabawal ang paghaharang sa mga biker. "Tino-tow namin iyon," aniya. Gayunpaman, hindi mahigpit ang kanilang patakarang ito sapagkat sumusunod pa sila sa panuntunan tulad ng mga naunang nailunsad na motorcycle lanes. "Kagaya nung mga motorsiklo, 'yung non-exclusive designated motorcycle lanes. Kapag walang dumadaan, pwede silang dumaan," aniya. "Nanganganay pa tayo rito sa ibang aspekto kaya hindi nating masabing, 'bawal na kayong lahat diyan ah,' hindi naman continuous ang flow ng bisikleta," dagdag niya. Siniguro naman ni Tolentino na kapag maging tuloy-tuloy na ang nagbibisikleta sa mga bike lanes, "maibibigay na natin sa kanila ang lahat na iyon." Samantala, iginiit ni Garcia na kinakailangang magkaroon ng respeto sa daan. "Courtesy lang 'yung respeto ng motorista sa bisikleta at respeto ng bisikleta sa motorista. Pati mga pedestrian," aniya. Alternatibong ruta Ayon kay Garcia, bago pa man inilunsad ang mga bike lane, kinakailangan niyang maghanap ng ibang rutang dadaanan upang maging mas ligtas ang kanyang pagbabyahe. "Medyo humahaba 'yung route ko, kaya lang ang primary concern ko is 'yung safety ko," aniya. Ayon sa kanya, habang nanganganay pa mga opisyal sa panukala, patuloy niyang gagamitin ang mga alternatibong ruta. "Siguro maisasabi ko sa mga siklista, gumamit nalang kayo ng pinaka-safest na route going doon sa destination for the meantime habang wala pa 'yung mga designated bike lanes kasi talaga sa totoo lang, wala kang kalaban-laban sa bus," kwento niya. Xmas bicycle lane at bike bus Ayon naman kay Tolentino, malapit na nilang ilunsad ang Christmas bicycle lanes at ang bike bus, na umano'y makatutulong sa mga biker. "Kung galing kang Fairview o Commonwealth, papasok ka ng Makati, sa PHILCOA may mga MMDA bus, i-strip namin 'yung mga upuan, bibitbitin mo ang mga bisikleta, at ibababa ka namin sa kanto ng Ayala, doon ka na mag-bisikleta. 5:30 ng hapon, susunduin ka uli, ibaba ka uli sa PHILCOA. Baka next year pa 'yan. January pa iyan," aniya. "Fifty-five percent na nag-oopisina sa Makati, Ortigas ay nanggagaling sa Quezon City. Kaya ma-traffic sa EDSA kasi galing lahat ng QC ang mga iyan," dagdag niya. Samantala, magkakaroon naman ng Christmas bicycle lane na rumuruta mula Greenhills patungong Rockwell at pabalik. "Six kilometers iyon, nabuo na namin. Ilulunsad bago ang pasko. Bago siguro mag-simbang gabi. Around December 16, magma-marking pa kasi kami, medyo matagal-tagal pa ng kaunti," aniya. — Amanda Fernandez/BM, GMA News