13-anyos na babae sa Pangasinan, 3 taon daw ginawang sex slave ng sariling ama
Isang ama sa Calasiao, Pangasinan ang dinakip ng mga pulis nitong Biyernes matapos ireklamo ng panggagahasa ng sarili niyang anak na babae na 13-taong-gulang. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabi ng biktima na tatlong taon na umano siyang pinagsasamantalahan ng kanyang ama. Sinasaktan din umano siya ng suspek kapag lumaban sa ginagawang pang-aabuso sa kanya. Hiwalay na ang mga magulang ng biktima at kasama niyang nakatira sa ama ang iba pang nakababatang kapatid. Nang magkaroon ng pagkakataon na makausap ang ina, isinumbong ng biktima ang ginagawa sa kanya ng kanyang ama. Agad naman nagsumbong sa pulisya ang mag-ina at dinakip ang suspek. Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang suspek, ayon sa ulat. - FRJ, GMA News