Mga Pinoy sa Sabah, ayaw umalis kahit tapos na ang deadline
Nagmamatigas pa rin ang grupo ng mga Filipino – na umano'y mga taga-sunod ng Sultan ng Sulu – at ayaw umalis sa Sabah kahit lumampas na ang taning sa kanilang pagsuko na ibinigay ng pamahalaang Malaysia. Nagtapos noong Martes ng gabi ang deadline na ipinatupad ng Malaysia, ngunit ayaw pa ring sumuko ng grupo na pinamumunuan ni Raja Muda Agbimuddin Kiram, kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III. "We are... poised to retaliate," ayon kay Kiram sa panayam ng dzBB radio. Dagdag pa, nakatanggap umano siya ng text messages galing sa mga "sympathizer" noong Martes ng gabi na papalapit na ang deadline. Ngunit maaga nitong Miyerkules, nagpaabot ng mensahe ang lider ng grupo na nauubusan na sila ng suplay ng pagkain. Noong Martes, napabalitang sinabi ni Department of Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez na nakiusap si DFA Secretary Albert del Rosario sa Malaysia na palawigin pa ang deadline hanggang hatinggabi ng Martes upang makumbinse ang grupo na mapayapang umalis sa lugar. Nang tanungin kung sumalakay na ang mga awtoridad ng Malaysia matapos ang deadline, sinabi ni Kiram na "nothing happened." 'Negosasyon' Ayon kay Kiram, handa na sila sa pakikipag-usap sa Malaysia at hihilingin nilang irespeto ang kanilang mga karapatang pantao at payagan ang kanilang taga-suporta na dalhan sila ng pagkain. Dagdag pa niya, handa silang makipag-usap kay Foreign Affairs official Jose Brillantes kung nais nitong kausapin ang grupo. Samantala, iginiit ni Kiram na walang financer na nasa likod ng kanilang pagpunta sa Sabah. Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III noong Martes na maaaring may mga "backer" ang grupo at nais niyang paimbestigahan ito. "Walang gumagastos sa amin. This is self-reliance," ani Kiram. Ayon na naman sa Malaysia noong Martes, mareresolba ang problema sa "intrusion" sa lalong madaling panahon. Napabalita sa Bernama news ng Malaysia na sinabi ni deputy Inspector General Tan Sri Khalid Abu Bakar na ang standoff sa Sabah mula pa noong Feb. 12 ay tiyak na mareresolba agad. "We will end the present standoff and I advise people not to worry. God willing, we will solve the matter as soon as possible," aniya. Hindi siya nagbigay ng komento tungkol sa tanong kung may negosasyong nangyayari. — LBG, GMA News