ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Turismo sa Bolinao, Pangasinan, apektado ng oil spill


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nangyari na ang pinapangambahan ng mga lokal na opisyal ng Bolinao, Pangasinan na nakarating na rin sa dalawang barangay sa Santiago Island ang tagas ng langis mula sa lumabog na barko ng Myanmar noong nakaraang buwan. Napadpad ang tagas ng langis sa mga dalampasigan ng Barangay Binabalian at Dewey, nang magbabago ang direksyon ng hangin na dating patungo sa bahagi ng La Union at Ilocos. "We were hoping against hope na hindi na tatama, pero tumama pa rin," ayon kay Atty. Ayar Montemayor, tagapagsalita ng Bolinao LGU. Dumikit sa mga batuhan at bakawan ang mga latak ng langis kaya kaagad nagsagawa ng paglilinis sa baybayin ng barangay Binabalian. Sa kabila nito, hindi pa rin maiwasang mangamba ng mga residente at lokal na pamahalaan. “Du’n sa Binabalian at Dewey, nandun ang marine protected area namin, nandun ang giant clam farm, kung hindi namin aayusin, mas maraming danyos," dagdag pa ni Montemayor. Problemado na rin ang mga hotel at resort sa Bolinao. Marami na raw kasi ang nagkansela ng hotel reservation dahil sa napabalitang oil spill. Isa ang mga baybayin ng Bolinao sa dinadayo ng mga turista sa Pangasinan dahil sa mala-Boracay nitong ganda at buhangin. Ayon kay Ronaldi Torres ng Bolinao Hotel Resort and Owner’s Association, nakikiusap sila sa mga turistang huwag maalarma sa oil spill. Maging ang hanapbuhay ng mga residente rito, pinangangambahan na ring maapektuhan dahil sa oil spill. Nakadepende ang 90 porsiyentong kabuhayan ng mga taga-Bolinao sa karagatan. Katuwang na rin ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa pagbabantay sa kanilang tourism area. –CCVictorio/GLCalicdan/FRJ, GMA News