Mga magulang, napasugod sa isang eskwelahan sa Mandaue City dahil sa bomb scare
Napasugod sa Mandaue City Central School sa Cebu nitong Huwebes ng umaga ang ilang magulang ng mga estudyante dahil sa kumalat na text message na may nagaganap na hostage taking at bantang pasasabugin ang paaralan. Bakas sa mukha ng mga magulang ang pag-aalala at pagkabalisa dahil sa natanggap nilang balita kaya kaagad silang nagtungo sa eskwelahan. Pero sa panayam ng GMA News, mariing itinanggi ni Principal Rita Cabahug na may nangyayaring hostage taking sa loob ng paaralan. Labis na ipinagtaka ng prinsipal kung bakit biglang nagpuntahan sa eskwelahan ang mga magulang ng mga mag-aaral habang isinasagawa ang kanilang pagsusulit. Para makatiyak, isa-isang pinasok ni Cabahug ang mga silid-aralan at inalam ang kalagayan ng mga mag-aaral na tahimik na nag-aaral. Pinayuhan naman ng Parents Teachers Association ang mga magulang na maging mapagmasid at huwag basta maniniwala sa mga kumakalat na tsismis. Ayon naman kay PO3 Alain Carado, iimbestigahan pa rin nila ang nangyaring insidente at magtatalaga ng pulis sa paligid ng paaralan.-- Mark Anthony Bautista/FRJ, GMA News