Sunshine Cruz, itutuloy pa kaya ang annulment case sa dating mister na si Cesar Montano?
Nananatiling positibo raw ang pananaw ng aktres na si Sunshine Cruz sakabila ng paghihiwalay nila ng kanyang mister na si Cesar Montano. Sa ulat ng "Star Bites" ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ni Sunshine na mayroon siyang inner peace ngayon at oras sa sarili. Umabot din ng 13 taon ang pagsasama nina Sunshine at Cesar na nabiyayaan sila ng tatlong anak na puro babae. Ang baguhang aktres na si Krista Miller ang sinasabing pinagselosan ni Sunshine at dahilan kaya nito iniwan si Cesar. Si Krista at Cesar ay nagkasama sa isang pelikula. Nauna nang itinanggi ni Krista ang mga hinala na mayroon silang romantikong relasyon ni Cesar. Ayon kay Sunshine, kahit magkahiwalay na sila ni Cesar, nananatili namang bukas ang kanilang komunikasyon. Hindi rin daw ipinagdadamot ng aktres sa dating mister ang kanilang mga anak dahil mabuting ama naman daw si Cesar. Pero nang tanungin kung itutuloy ba ni Sunshine ang paghahain ng annulment case upang mapawalang-bisa ang kasal nila ni Cesar, tugon ng aktres na wala pa siyang plano sa ngayon at makabubuting hintayin na lamang. - FRJ, GMA News