Lalaking pinagbibintangang aswang, pinatay sa Iloilo
Pinasok sa bahay at pinatay ang isang 79-anyos na lalaki na pinaghihinalaan umano ng ilang kabarangay na aswang sa bayan ng Ajuy, Iloilo. Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Roberto Custodio. Ayon sa pulisya, tatlong lalaki ang pumasok sa bahay ng pamilya Custodio at doon ito binaril. Hindi naman daw nakilala ng misis ng biktima ang mga salarin dahil naka-bonnet umano ang mga ito. Hinala naman ng anak ng biktima, pinaslang ang kanyang ama dahil sa hinalang aswang ito na siyang pumapatay sa mga alagang baboy ng kanilang mga kapitbahay. Sa kabilang nito, sinabi ni Police Officer 2 Henry Delfin, na nakatutok sila sa pagkakakilanlan ng mga suspek upang malaman ang tunay na motibo ng ginagawang pagpatay sa biktima. - FRJ, GMA News