Masahistang lalaki sa Cebu City, inireklamo ng kanyang babaeng kostumer
Inirereklamo ng pangmomolestiya ng isang babae ang isang lalaking masahista na nanghipo umano ng kanyang maselang bahagi ng katawan sa Cebu City. Pati ang mga pulis na pinagsubungan ng babae, nadamay sa reklamo. Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabi ng abogado ng babae na nakaidlip ang kanyang kliyente habang minamasahe at naramdaman ang paggapang ng kamay ng masahista sa maselang bahagi ng katawan nito. Inireklamo rin ng babae ang ginawang pagtatawanan umano ng mga pulis nang magsumbong ito sa himpilan ng pulisya at pagharapin sila ng masahista. Mariin namang itinanggi ng lalaki ang alegasyon ng babae at iginiit na hindi naman nakatulog o naidlip ang nagrereklamo nang sandaling minamasahe niya ito. Dagdag pa ng lalaki, sa 13 taon niya sa trabaho bilang masahista, wala pa umanong nagreklamo sa kanyang ng panghihipo. Pinabulaanan din ng hepe ng pulisya ang paratang ng kampo ng babae na pinagtawanan ng mga pulisya ang biktima. - FRJ, GMA News