Dating sexy actress, nagsilang ng triplet na pawang babae
Mommy na ang dating sexy actress na si Ramona Revilla na nagsilang ng triplet sa isang ospital sa Makati noong Martes. Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing hirap pang tumayo si Ramona. Inihayag din ng dating aktres na hindi naging madali ang kanyang pagbubuntis. Bagamat nasa incubator dahil kulang sa buwan, maayos naman ang lagay ng tatlong sanggol na pawang mga babae. Kasama ni Ramona sa ospital at nagbabantay sa kanilang babies ang Amerikano nitong mister na si Frederick Farrell. Kapag malakas na ang mga sanggol, uuwi ang pamilya sa US kung saan naninirahan na si Ramona. Ilan sa mga pelikulang nagawa ni Ramona ay ang Sambahin ang Puri Ko, Babasaging Kristal, Kirot sa Puso, Untamed Virgins at Seksing Masahista. -- FRJ, GMA News