ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Seawall sa Santa, Ilocos Sur, winasak ng malalakas na alon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasira ng naglalakihang alon ang seawall sa Santa, Ilocos Sur na nagtulak sa ilang residente sa barangay Pasungol na kusang lumikas. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing nananatiling malakas ang hampas ng alon sa barangay Pasungol kahit wala na ang bagyo. Inihayag naman ng ilang residente na gumuguho na rin ang lupa sa tabing-dagat dahil sa pagkakasira ng seawall. Hihingi naman ng tulong ang mga opisyal ng barangay sa gobyerno para maipaayos ang nasirang seawall. Pinsala ni 'Labuyo'   Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umakyat na sa pito katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong si Labuyo. Ayon kay NDRRMC spokesman Maj. Reynaldo Balido, nakita ng mga sundalo ang mga labi ng nawawalang si Bennie Almario Labios, 46, sa brgy Dipangit sa bayan ng Jones sa Isabela.   Sa ngayon, lima katao pa ang nasa listahan ng mga nawawala, at pito naman ang nasugutan.   Idinagdag sa ulat ng NDRRMC na 29 na kalsada pa ang hindi madaanan, kabilang dito ang 14 sa Cordillera, 12 sa Central Luzon, at tig-isa sa Ilocos at Cagayan Valley.   Bukod dito, 13 tulay din ang hindi pa madaanan at mayroon pang problema sa suplay ng kuryente sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Isabela at Quirino sa Cagayan Valley; Aurora at Nueva Ecija sa Central Luzon; at Ifugao, Kalinga, Mountain Province at Baguio City sa Cordillera. -- FRJ, GMA News

Tags: labuyo, typhoon