Lasing na ama, dinakip matapos aksidenteng mataga ang sariling anak
Isang ama sa Baao, Camarines Sur ang dinakip ng mga pulis dahil sa pagkakasugat sa sariling niyang anak na anim-na-taong gulang na aksidente niyang nataga sa ulo dahil sa kalasingan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, ipinakita ang tinamong tahi sa ulo ang batang biktima na isang babae. Ayon sa pinsan ng biktima na nakakita sa insidente, lasing na dumating ang suspek sa bahay at nahiga. Hindi nagtagal ay bumangon ito at kumuha ng patalim at saka iwinasiwas. Sa pagwasiwas ng suspek, tinamaan nito sa ulo ang kanyang anak. Kaagad namang nadala sa ospital ang bata, habang ipinaaresto naman ang ama. Humingi na ng tawad ang suspek at idinahilan na hindi niya alam ang kanyang ginagawa dahil sa labis na kalasingan. Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated parricide na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. - FRJ, GMA News