Batang estudyante na may sakit sa puso, naospital matapos tusok-tusukin daw sa tadyang ng principal
Naospital ang isang 10-taong-gulang na estudyante na may sakit sa puso matapos umanong saktan ng kanilang punong guro sa isang paaralan sa Laoag City, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing nanikip ang dibdib ng bata matapos tusok-tusukin umano ng principal sa tagiliran.
Dahil sa pangyayari, dinala sa ospital ang bata at may isang linggong hindi nakapasok sa klase.
Bagaman nakabalik na sa eskwelahan ang bata, nakakadama pa rin daw ito ng trauma dahil sa nangyari.
Inamin naman umano ng principal ang ginawa pero maingay daw noon ang klase niya kaya nasaktan ang bata. Hinda rin daw nito alam na may sakit sa puso ang estudyante.
Humingi na rin siya paumanhin sa mga magulang ng bata at pumirma sa kasundaan na hindi na mauulit ang insidente.
Sakabila nito, iniimbestigahan na umano ng Department of Education (DepEd) ang insidente. -- FRJ, GMA News