ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 holdaper, umatake ng tanghaling tapat sa Maynila sakay ng bisikleta


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi mabilis na kotse o humaharurot na motorsiklo kung hindi bisekleta ang ginamit na gate-away vehicle ng tatlong lalaking nangholdap sa isang tindahan sa Santa Ana, Maynila. Nakunan pa sa CCTV camera na nakalas pa ang kadena ng bisikleta ng isa sa mga suspek sa kanilang pagtakas.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing ang kakaibang estilo ng mga holdaper ay isinagawa sa katanghaliang-tapat sa isang tindahan ng bigas. Armado ng baril ang mga suspek na itinututok sa mga trabahador sa bigasan.

Matapos simutin ang pera at gamit ng mga biktima --pati na ang barya sa drawer, kaagad sumibat ang mga kawatan sakay ng kanilang mga bisikleta.



Ayon sa kahera na si Susan Melindo, wala na silang nagawa kung hindi ituro ang kinalalagyan ng pera dahil sa takot.

Hindi rin umano nangamba ang mga suspek kahit nakita nilang may cctv camera sa loob ng tindahan. Ayon sa kahera, nagawa pa nga raw mangantiyaw ng mga holdaper ang naturang cctv.
 
Tinatayang tumagal lang daw ng isang minuto ang panghoholdap ng mga suspek. Nakuha nila ang aabot sa P40,000 cash maliban pa sa mga personal na gamit ng mga empleyado.

Sa pagtakas ng mga suspek, makikita sa CCTV na nakalagay sa labas ng tindahan na napatigil ang isang suspek dahil kinailangan niyang ayusin ang nakalas na kadena ng kaniyang bisikleta.

Ikinagulat naman ni Chief Inspector Erwin Margarejo ng Manila Police District, sa bagong diskarte ng mga holdaper sa paggamit ng bisekleta.

Posibleng ang paggamit umano ng bisikleta ng mga magnanakaw ay resulta ng paghihigpit ng mga awtoridad sa mga naka-motorsiklo na kadalasang gamit ng mga kriminal. -- FRJimenez, GMA News