ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Sextortion' ring sa Pilipinas, tinarget ng PNP; awtoridad mula sa ibang bansa, tumulong


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nalansag ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at iba pang awtoridad mula sa iba't ibang bansa ang isang sindikato na nasa likod umano ng tinatawag na "sextortion ring" na nambibiktima ng mga dayuhan na nasa ibang bansa.

Sa ulat ni Marisol Abdirahman sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, ang grupong itinuturong dahilan kaya nagpakamatay ng isang teenager mula Scotland na tinangka raw i-blackmail ng grupo.

Nitong Huwebes ay sabay-sabay na ni-raid ng mga awtoridad ang ilang establisimyento sa Libmanan, Nabua, Naga at Legaspi City.

Sinalakay din ng mga awtoridad ang ilang establisimyento sa Laguna, Taguig at Bulacan.



Sa naturang mga operasyon, 58 katao ang nadakip.

Sa pulong balitaan na isinagawa ng PNP kasama iba pang mga awtoridad nitong Biyernes, ipinaalam nila na naging target ng operasyon na lansagin ang sindikatong na nasa likod ng "sextortion" na nambibiktima ng mga dayuhan sa iba't ibang bansa sa pamamagitan ng internet.

Marami na umanong na-blackmail ang grupo pero nitong nakaraang taon, isang 17-anyos na lalaki sa Scotland ang nagpakamatay dahil hindi nito kayang bayaran ang hinihingi ng grupo.

Ang modus ng grupo, aakitin ng mga suspek ang mga biktima sa pamamagitan ng mga social networking site at makikipag-ugnayan sa pamamagitan ng chat.

kasunod nito, hihikayatin ng kasabwat ng grupo ang biktima na magpakita ng kaniyang katawan sa web cam. Pero lingid sa kaalaman ng biktima, nakarecord ang gagawin niyang pagpapakita ng maselang bahagi ng katawan na gagamitin naman pang-blackmail ng grupo.

Kung hindi ibibigay ang hihinging halaga ng sindikato na nagkakahaga umano ng P20,000 hanggang P90,000 o higit pa, magbabanta silang ikakalat sa internet ang hawak nilang record o video.

Naging katuwang umano ng PNP sa operasyon ang Interpol, Scotland Yard Police, at pulisya mula sa Australia, Hong Kong, Singapore, Indonesia at US Homeland Security.

Sinubukan ng GMA News na makunan ng pahayag ang ilan sa mga naaresto pero tumanggi silang magbigay ng pahayag. -- FRJImenez, GMA News