Bela Padilla, nasurpresa sa pagwawagi bilang Best Supporting Actress sa Famas
Nagwagi ang ilang Kapuso stars sa 62nd Famas Awards. Kabilang dito si Bela Padilla na kinilala bilang Best Supporting Actress para sa kaniyang pagganap sa pelikulang "10,000 Hours."
Sa "Chika Minute" report sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Bela na hindi niya inasahan na mananalo kaya hindi siya nakapaghanda ng speech.
Inakala raw kasi ni Bela na si Angel Aquino ang mag-uuwi ng tropeo bilang best supporting actress sa pelikula nitong "On The Job."
Basahin: Nominees for 62nd FAMAS revealed
Samantala nagwagi rin si Pen Medina bilang Best Supporting Actor para rin sa pelikulang "10,000 Hours," na pinagbidahan ni Robin Padilla.
Best Actor naman para sa pelikulang "Boy Golden" si dating Laguna Governor ER Ejercito at Best Actress ang nakatambal niyang si KC Concepcion.
Nakuha rin ni ER ang Famas Grand Award.
Naging emosyonal pa ang actor-politician sa pagtanggap ng parangal.
Itinanghal na Best Director si Erik Matti para sa "On The Job" na nagwagi ring Best Picture.
Best Special Effects naman ang "Kung Fu Divas" nina Marian Rivera at Ai Ai delas Alas.
Kabilang naman sa mga ginawaran ng German Moreno Youth Achievement Award sina Janine Gutierrez, Ken Chan, Hiro Peralta at James Reid. -- FRJ, GMA News