Buwaya na 16-ft ang haba na umaligid daw sa mga bahay, nahuli sa Palawan
Isang buwaya na may habang 16 na talampakan ang nahuli ng mga residente sa Bataraza, Palawan nitong Miyerkules ng madaling-araw matapos maipit sa mga bakawan.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras," sinabi ng mga residente na una nilang naramdaman na may buwaya malapit sa kanilang lugar nang may kumalampag sa palibot ng kanilang bahay.
Nagtulong-tulong ang mga residente na hulihin ang buwaya gamit ang lubid nang maipit ito sa mga bakawan.
Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung ang nahuling buwaya ang pumatay sa isang mangingisda nitong nakaraang Mayo sa pantalan ng Palawan.
Basahin: Croc attacks, kills fisherman in Palawan
Dadalhin ang buwaya sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center sa Puerto Prinsesa.
Nitong nakaraang Lunes, isang buwaya na may habang 11 talampakan ang nahuli sa Quezon, Palawan pero namatay din dahil sa sugat sa bituka dahil gumamit ng hook at alambre para ito mahuli. -- FRJ, GMA News