Janine Gutierrez at Sheena Halili, Kapuso pa rin
Sinorpresa ng cast ng bagong soap na More Than Words ang birthday girl na si Janine Gutierrez, na muling pumirma ng kontrata sa GMA Network, kasama rin si Sheena Halili.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Starbites" ng GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing kahit kaarawan niya ay trabaho pa rin ang hinarap ni Janine.
Kasama ng ka-love team na si Elmo Magalona, nag-pictorial ang dalawa para sa nabanggit na bagong soap.
Hindi alam ni Janine, may inihandang surpresa sa kaniya ang mga kasamahan niya sa More Than Words.
"Masaya po. Naiiyak ako kasi I didn't expect. Akala ko since first day of taping, hindi nila alam na birthday ko," ayon sa young actress.
Kasabay nito pumirma, na rin si Janine at pati na si Sheena Halili ng bago nilang kontrata sa GMA.
Lumagda para sa GMA si SVP for Entertainment TV Ms. Lilibeth Rasonable at si AVP for Alternative Programming at Artist Center Head Gigi Santiago-Lara.
"Nagpapasalamat din talaga ko sa GMA. May project ulit kami and they signed me again," ayon kay Janine.
"Sobrang happy ako dahil bago matapos ang 2014, ang dami-dami nilang blessings na ibinigay tapos binigyan pa nila ko ng another three years, " pahayag naman ni Sheena.
Tiniyak naman ni Ms. Lilibeth na tuloy-tuloy ang pagkakaloob sa kanila ng mga proyekto. -- FRJ, GMA News