ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking nagtangkang takasan ang mga pulis, gulpi ang inabot sa publiko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bugbog ang inabot ng isang lalaki sa kamay ng publiko nang takbuhan nito ang mga pulis na sumita sa kaniya matapos makita sa bubungan ng isang bangko sa Bacolod City.

Sa ulat ni Erwin Nicavera ng GMA-Bacolod sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing kumaripas ng takbo ang lalaking suspek nang pababain ng mga pulis mula sa gusali ng isang bangko sa Libertad area.

Pero nasakote ang lalaki ng mga residente sa lugar at binugbog siya dahil sa hinalang pagnanakaw ang pakay nito sa bangko.



Sa presinto, itinanggi ng lalaki na magnanakaw siya at iginiit na makikitulog lang siya sa rooftop ng bangko.

"Iniwan ako ng pinsan ko, dinala nila ang bag ko pauwi. Nandoon yung damit at sirang cellphone," paliwanag ng suspek na nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha.

Gayunman, nakuha umano sa lalaki ang ilang gamit tulad ng lighter at improvised gun na may isang bala ng calibre .45 na baril.

Ayon sa pulisya, patuloy ang kanilang imbestigasyon para alamin ang tunay na pakay ng lalaki sa gusali.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa reklamong disobedience to a person in authority at illegal possession of firearms. -- FRJ, GMA News

Tags: robbery