Ilang produkto, ibinenta lang sa halagang 25 sentimos sa Laoag, Ilocos Norte
May silbi pa ang baryang 25 sentimos sa Laoag City, Ilocos Norte bunga ng programang ipinatutupad ng isang organisasyon na naglalayong hikayatin ang mga residente na mamili ng mga produkto gamit ang barya.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing dumagsa ang ilang residente ng Laoag city sa isang tindahan doon dahil lahat ng ibinibentang gamit ay mabibili sa halagang 25 sentimos.
Dahil dito, hindi pinalagpas ng mga mamimili ang pagkakataon na mula sa programa na inilunsad ng Bankers Association of Laoag city and Ilocos Norte.
Layunin ng organisasyon na hikayatin ang mga residente na mamili ng mga produkto gamit ang barya.
Pumili ang bankers' group ng mga pamilyang maaaring bumili sa naturang tindahan, kung saan aabot sa 12 gamit ang puwedeng bilhin ng bawat pamilya.
Ang naturang programa ay inaasahang gagawin na ng organisasyon taun-taon. -- FRJ, GMA News