Patay na sanggol, natagpuang nakasiksik sa loob ng tangke ng inodoro sa isang ospital
Itinuro ng mabahong amoy ang kalunos-lunos na sinapit ng isang sanggol na nakitang nakasiksik ang bangkay sa loob ng tangke ng inodoro sa isang ospital sa Meycauayan, Bulacan.
Sa exclusive report ni Susan Enriquez sa GMA News 24 Oras nitong Martes, inihayag ng staff ng Nazarenus College Foundation Hospital na tinatayang nasa walo hanggang siyam na buwan na ang sanggol sa sinapupunan ng ina nito.
Bago madiskubre ang bangkay ng paslit, ilang araw na umanong may masangsang na amoy sa loob ng common comfort room sa emergency room ng pagamutan.
Nang hanapin kung saan galing ang mabahong amoy, nadiskubre ang kalunos-lunos na kalagayan ng sanggol sa loob ng tangke ng inodoro noong Biyernes.
Hinala ng pulisya, may isang linggo na sa tangke ang fetus.
Napansin ng mga nakakita sa fetus na putol ang pusod nito na tila raw hinila.
Wala pang nahuhuling suspek sa krimen pero natatandaan ng mga hospital staff na noong nakaraang linggo, may isang babae na may katabaan ang nagtungo sa ospital para magpatingin dahil masakit daw ang tiyan.
Ginamit daw ng babae ang comfort room ng 30 minuto hanggang isang oras.
Napansin din daw ng mga staff ang dugo sa banyo paglabas ng babae pero nagdahilan lang daw ito na may buwanang "dalaw."
Matapos nito, bumalik daw ang babae sa ospital kinabukasan para magpatingin ulit. Sa pagsusuri, lumitaw sa ultrasound ng babae na may nangyaring abortion sa kaniya.
Patuloy ang imbestigahan ng Meycauayan police sa insidente at hinahanap na nila ang naturang babae na pinaniniwalaang ina ng sanggol. -- FRJ, GMA News