ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Dognapping' sa Dagupan City, na-hulicam


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pinaniniwalang modus sa pagnanakaw ng aso sa Dagupan City, Pangasinan. Ang mga kawatan, isinasakay sa tricycle ang aso na nakuha sa kalye at posibleng kinakatay para ibenta.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng kuha sa cctv nang tangayin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang isang aso na nasa kalye dakong 3:00 a.m. barangay Tapuac, Dagupan city.

Dumulog sa GMA News ang may-ari ng natangay na aso para mabalaan ang iba pang mga may alagang aso sa modus ng mga "dognapper."

Ayon kay Jun Zabala, pitong aso ang alaga niya pero sunod-sunod daw na ninakaw ang apat sa mga ito ngayong taon.

Pinakahuli ang kaniyang asong mahigit isang taong gulang na nakunan sa cctv.



Higit daw sa halaga ng kaniyang mga alaga ang pagmamahal niya sa mga ito na nagsisilbing bantay sa kanilang bahay.

"Kahit animals 'yan, kagaya ko siyempre, pet lover tayo, parang masakit din parang mawawalan tayo ng isang alaga," aniya.

Hinala ni Zabala, nasubaybayan ang kaniyang mga alaga sa paniwalang madali silang makakukuha ng aso sa lugar.
 
Panawagan ni Zabala sa mga awtoridad, paigtingin ang pag-iikot sa mga barangay para hindi na makapambiktima ang mga magnanakaw ng aso.

Umaasa siyang makatutulong ang kuha ng cctv para mahuli ang mga salarin.

Hinihinala naman ng pulisya na kinakatay nga at ibinebenta ang karne ng mga aso sa ibang lugar.

Gumagawa na raw ng paraan ang pulisya para hindi na maulit ang insidente. Pinayuhan din nila ang mga may alagang aso na itali ang mga ito at huwag hayaang gumala sa kalye. -- FRJ, GMA News

Tags: dognapping, dog