Ai Ai delas Alas, bakit kaya nagpunta sa GMA Network?
Bumisita ang komedyanteng si Ai Ai delas Alas sa bakuran ng GMA Network para saksihan ang pagpirma ng kontrata ng kaniyang anak bilang Kapuso talent.
Sa Chika Minute report ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing pumirma ng kontrata bilang Kapuso ang anak ni Ai Ai na si Sancho.
Ang Concert Comedy Queen na si Ai Ai ang tumatayong manager ng kaniyang anak.
Present sa contract signing sina GMA Senior Vice President for Entertainment TV Lilybeth Rasonable, AVP for Alternative Productions Gigi Santiago Lara, at GMA Artist Center AVP for Imaging and Branding Simoun Ferrer.
Bilang paghahanda sa showbiz, nagwo-workshop na si Sancho.
Ayon kay Sancho, kabilang sa mga Kapuso artist na nais niyang makatrabaho ay si Michael V, at ang crush niyang si Marian Rivera.
Todo naman suporta sa kaniyang mommy na si Ai Ai.
Sabi ni Ai Ai, nais niyang maging isang serious actor ang anak o kaya ay mapanood sa isang action film. -- FRJ, GMA News