ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga ospital sa Pangasinan, handa na sa mga pasyente ngayong holiday season


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakahanda na umano ang mga ospital sa lalawigan ng Pangasinan para sa inaasahang pagdami ng pasyente sa Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas, sinabi ng ng mga duktor sa Region 1 Medical Center, na karaniwan na umano ang pagdami ng mga naoospital tuwing holiday season.

Karamihan sa mga pasyente ay nagkakaroon umano hypertension o heart attack.

May nakalaan na ring kuwarto para sa mga posibleng masugatan dahil sa paputok.

Maging ang Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City ay handa na rin at magiging prayoridad nila ang mga mabibiktima ng paputok.

Sapat naman daw ang mga gamot para sa mga ito gaya ng antibiotics at anti-tetanus.



Samantala sa hiwalay na ulat,  ipinasilip sa GMA News ang isang pagawaan ng paputok na minana raw ni 'Jun," hindi niya tunay na pangalan, sa kanyang ama.

Umaabot daw sa 1,000 piraso ng paputok na five star bawat araw ang kaya nilang gawin ng manu-mano.

Wala silang anumang proteksyon sa sarili at mapapansin na wala ring fire extinguisher o balde ng tubig na nakahanda kung magka-aberya sa pagawaan.

Batid daw ni Jun ang peligro dahil posibleng sumabog ang pulburang ginagamit niya.

Sa hitsura ng pagawaan, malaki ang posibilidad na hindi ito papasa sa panuntunan ng Bureau of Fire and Protection (BFP).

Pero para kay Jun, bahala na basta kumita lang ngayong magpapasko at bagong taon.

Wala pang pahayag kaugnay nito ang BFP.

Pero babala ng isang duktor, hindi lang sa panganib ng pagsabog at sunog nahaharap ang mga gumagawa ng paputok sa pagawaang ito. Delikado rin sa kalusugan ang matagal na exposure sa pulbura.

Kaugnay nito, ikinasa naman ng Provincial Health Office ang kanilang Oplan: Iwas Paputok, at nagpakalat na sila ng mga graphic poster bilang babala sa publiko. -- FRJ, GMA News