ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kwitis, hinihinalang sanhi ng sunog sa isang gusali sa CDO City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kwitis ang hinihinalang dahilan ng sunog sa Cagayan de Oro City na tumupok sa bahagi ng isang gusali. Naganap ang insidente ilang minuto matapos magpalit ang taon.

Ayon sa ulat ni Sozie Alamban ng GMA-Northern Mindanao sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing sumiklab ang sunog sa bahagi ng isang gusali sa barangay Puerto ng nabanggit na lungsod.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagsimula ang sunog sa stock room ng tindahan ng motorcycle parts, na nasa ikalawang palapag ng gusali.



Ayon sa may-ari ng gusali, nasa isang silid sila at nagkakasiyahan sa pagsalubong sa bagong taon nang makarinig sila ng putok mula sa katabing silid.

Dahil madaling masunog ang mga naka-stock sa bahagi ng gusali gaya ng mga gulong, naging pahirapan ang pag-apula sa sunog.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente at napigilan din na hindi na kumalat ang apoy sa iba pang bahagi ng gusali.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng sunog. -- FRJ, GMA News