Pinoy pumangalawa ng na-deport mula sa Kuwait
Pumangalawa ang mga Pilipino sa mga Bangladeshi bilang pinakamaraming illegal workers sa Kuwait na boluntaryong nagpa-deport sa Pilipinas sa loob ng dalawang buwan na amnesty na inilatag ng gobyerno doon. Ayon sa Philippine Department of Foreign Affairs (DFA), 833 Pilipino mula sa bansang Kuwait ang kabilang sa 1,234 migrants na nakabalik na sa bansa mula sa Middle East mula nang ipatupad ang amnesty noong Mayo para sa overstaying aliens doon. Batay sa Ministry of Interior ng Kuwait, mayroong humigit-kumulang 27,500 manggagawa ang nagpasailalim sa voluntary deportation mula noong ika-1 ng Mayo hanggang ika-30 ng Hunyo ngayong taon upang maiwasan ang pagkakulong at multa para sa kaso tungkol sa pagpapalawig ng paglagi sa bansang Arabo. Isang ulat mula sa Kuwaiti Times ang nagsabing may 200 hanggang 250 illegal aliens ang umaaalis sa Kuwait kada araw noong kasagsagan ng amnesty period kung saan binigyan ng pagkakataon ang mga overstaying expatriates na gawing legal ang kanilang pananatili sa bansa ng walang multa. Ayon sa foreign ministry, mga Sri Lankans naman ang pumangatlo sa mga dayuhang idineport doon. Ang halaga ng multa para sa mga illegal na nananatili roon ay2 Kuwaiti dinar kada araw at maaring umabot sa daan-daang dinar, na masyadong mahal para sa karamihan ng mga mahihirap na expats doon. Sa pagtatapos ng dalawang buwang amnesty period, magpapatupad diumano ang pamahalaang Kuwaiti ng panibagong kampanya upang arestuhin ang mga lumalabag pa rin sa pananatili doon. Iniulat ng DFA noong ika-2 ng Hulyo na mayroong 1,234 na Pilipino ang nakatanggap ng amnesty program sa Middle East at nakabalik ng ligtas sa Maynila. Sinabi ni Undersecretary for Migrant Workersâ Affairs Esteban Conejos Jr. na nakabalik na sa bansa ang 833 Pilipino mula Kuwait, 301 mula sa Saudi Arabia at 100 mula sa United Arab Emirates. Ang 833 hindi dokumentatdong manggagawang Pilipino sa Kuwait na karamihan ay mga kababaihan ang kumuha ng amnesty program mula ika-1 ng Mayo hanggang ika-30 ng Hunyo. Ipinaliwanag naman ni Philippine Ambassador to Kuwait Ricardo M. Andaya na pinayagang makabalik sa bansa ang mga kababayang illegal aliens doon ng walang kulong o pagbabayad ng multa. Maaring makabalik ang mga na-deport na Pilipino sa kundisyong kukuha ng mga kaukulang papeles at dadaan sa legal na proseso ang mga papasok doon. Ang 301 Pilipino mula sa Saudi Arabia ay nakabalik matapos makakuha ng amnesty na dapat sana ay para sa mga Hajj at Umrah pilgrims na nag-overstay sa bansa. Inaayos na rin ang pagbalik ng humigit sa 400 Pilipino na kasalukuyang sumasailalim sa amnesty program na nag-expire noong Mayo. Ang 100 Pilipino na nakabalik mula sa UAE ay galing sa Dubai, kung saan may humigit sa 200 Pilipino pa ang naghahantay ng repatriation sa ilalim ng general amnesty ng bansang iyon. Aabot sa 512 na Pilipino sa Abu Dhabi ang malapit nang makabalik sa bansa. Mawawalang bisa ang amnesty program sa ika-24 ng Setyembre. Inutos na ni DFA Secretary Alberto Romulo sa mga embahada at konsulado sa tatlong bansang nabanggit na tulungan ang mga Pilipino sa pagbalik sa bansa. âThe accelerating economic revival in the Philippines is a boon to OFWs who return to the country after facing tougher labor conditions abroad. I encourage them to avail fully of the governmentâs reintegration and skills training program so they may take advantage of the new job opportunities in the country, â aniya. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV