Dalaga na ginawang sex slave, pinabayaan ng sariling ina?
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasama ang mag-inang sina Alma Moreno at Winwyn Marquez, sa isang episode ng Magpakailanman.
Winwyn takes on her scariest role sa kaniyang pagsasabuhay ng mga pinagdaanan ni “Ayen,” isang dalaga na naging biktima ng isang paghihiganti laban kay “Belen,” ang ina niyang gagampanan naman ni Alma Moreno.
Dahil sa pangangailangan, hindi lumaki si “Ayen” sa poder ng kaniyang ina. Dahilan para maging malayo ang loob nila sa isa’t-isa, lalo pa nang magrebelde ang dalaga sa pag-aakalang hindi siya talaga mahal ng ina.
Nang maging dalagang ina si “Ayen” ay saka niya na-realize kung gaano kahirap ang mga pinagdaanan ng sariling ina, at kung ano ang mga sakripisyong ginawa nito para lang masubukang bigyan siya ng maayos na buhay.
Pero sa panahong ito naman mahuhulog ang loob ni “Belen” sa di-hamak na mas batang tricycle driver—si “Lester.”
Walang tiwala si “Ayen” sa lalaking kinahuhumalingan ng ina, pero ano ba ang karapatan niya para humadlang sa kaligayahan ni “Belen?”
Ngunit paano kung tama pala ang mga hinala ni “Ayen” sa lalaki? Ano ang magagawa ni “Ayen” para iligtas ang ina? At paano kung siya mismo ang malagay sa peligro dahil sa kaniyang pagmamalasakit sa ina?
Alamin kung ano ang kahahantungan ng kuwento ni “Ayen” at ng kaniyang ina, at kung bakit ang isang matapang na babae ay masasadlak sa pagiging isang sex slave.
Kasama ng mag-inang Alma at Winwyn sa episode na, “Sex Slave: Anak, Pinabayaan ng Ina?” sina TJ Trinidad. Sa direksyon ito ni Argel Joseph, mula sa panulat ni Senedy H. Que, sa base sa pananaliksik ni Karen Lustica.
Mapapanood ang Magpakailanman sa Sabado, June 6, pagkatapos ng Pepito Manaloto. -- FRJ, GMA News