Pauleen Luna, hinimatay na rin noon sa Eat Bulaga
Bago si Maine "Yaya Dub" Mendoza, minsan na rin hinimatay at napanood ng live sa telebisyon ang pagbagsak ni Pauleen Luna habang nagho-host ng "Juan For All-All For Juan" segment ng Eat Bulaga!.
Nitong nakaraang Sabado, naging palaisipan sa mga manonood ng Eat Bulaga kung acting o totoong nawalan ng malay si Yaya Dub habang isinasagawa "Yakie" wedding scene sa kalyeserye nitong #Aldub Kiligpamore.
Kaya naman nag-aalala ang marami nang kumpirmahin ng pamunuan ng Eat Bulaga na talagang nawalan ng malay si Yaya Dub at dinala ito sa ospital.
WATCH: Eksenang hinimatay si 'Yaya Dub' sa kalyeserye ng Eat Bulaga!
Umaga pa lang noong Sabado, masama na raw ang pakiramdam ni Yaya Dub at tuluyang bumigay ang kaniyang katawan nang isinasagawa na ang kalyeserye. Ilang oras makalipas nito, inanunsyo ni Yaya Dub na mabuti na ang kaniyang pakiramdam at nagpasalamat siya sa mga nag-alala sa kaniya.
At noong Pebrero 2012, nagkaroon nang intriga na baka nagdadalang-tao si Pauleen nang bigla siyang mawalan ng malay at matumba sa kalye habang nagho-host sa Eat Bulaga sa Davao City.
Kasama noon ni Pauleen sina Allan K at Paolo Ballesteros bilang hosts ng segment na "Juan For All-All For Juan" nang mangyari ang insidente.
Nang sandaling iyon, nasa studio at live na kausap ng tatlo si Vic Sotto nang biglang matumba si Pauleen.
Nang matiyak mula kay Allan na mabuti na ang lagay ni Pauleen, nagbiro si Vic kung hindi ba naghahanap ng maasim ang kaniyang nobya na dahilan para isipin ng iba na baka nagdadalang-tao ang aktres.
Sa panayam noon ng Startalk, ipinaliwanag ni Pauleen na puyat at pagod ang dahilan kung bakit siya nawalan ng malay nang sandaling iyon.
Nagbiro din lang umano si Vic nang sandaling iyon para maibsan ang pag-aalala ng mga manonood.
-- FRJ, GMA News