Kolehiyala, pinasok sa boarding house at pinagsasaksak
Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang lalaking pumasok sa isang boarding house sa Odiongan, Romblon at pinagsaksak hanggang sa mapatay ang isang 17-anyos na kolehiyala.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing nag-aaral ang babaeng biktima sa Romblon State University sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pinasok ng suspek ang biktima sa tinutuluyan nitong boarding house na nasa loob mismo ng unibersidad nitong Martes ng madaling araw.
Narinig pa raw ng pinsan ng biktima ang pagsigaw at paghingi nito ng tulong. Kaagad namang nagtungo sa kuwarto ang pinsan at doon niya nakitang inuundayan na ng saksak ng suspek ang biktima.
Tumakbo palabas ang pinsan na saksi sa krimen para humingi ng tulong sa pulisya. Gayunman, wala na ang salarin nang dumating ang mga awtoridad.
Isinugod naman ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay.
Nakikipagtulungan na ang pamunuan ng unibersidad sa mga pulis sa isinasagawang imbestigasyon para malutas ang krimen. -- FRJ, GMA News