ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE
Add GMA on Google
Pambansang Bae Alden Richards, lapitin nga ba ng disgrasya sa kalsada?
By Carlo P. Isla
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nito lamang Agosto, naging matunog ang pangalan ng Kapuso star na si Alden Richards dahil sa pagsikat ng tambalan nila ni Yaya Dub o Maine Mendoza sa Kalye Serye ng longest-running noon time show na “Eat Bulaga.”
Araw-araw, inaabangan ng mga manonood ang napipintong pagkikita nina Alden at Yaya Dub, na pilit na hinahadlangan ng istriktang si Lola Nidora. Dito, ipinakita ni Alden kung gaano siya kasugid sa kaniyang pagsuyo kay Yaya Dub, handang gawin ang anumang pagsubok para lamang sa kaniya.


Pero hindi lang sa pag-ibig niya kay Yaya Dub kayang suungin ni Alden ang peligro. Alam n’yo bang ilang beses na ring nalagay sa kapahamakan ang buhay ng aktor nang mapabilang siya sa iba’t ibang klase ng disgrasya sa kalsada? Nakapanayam mismo ni Arnold Clavio ang Pambansang Bae at personal na itinanong kung ano ang mga natutunang leksiyon upang maging “Alisto” sa mga aksidenteng ito.
Aksidente sa van
Taong 2013, papunta sina Alden kasama ang kaniyang assistant at driver sa isang event sa Bulacan nang mangyari ang isang aksidente. Habang binabagtas ang main road, nabangga ang sinasakyan nilang service van ng isang tricycle na lumabas mula sa isang eskinita.
Natutulog daw ang aktor nang mangyari ito at agad siyang nagising nang sumalpok ang tricycle sa kanilang van.
“Nagulat ako. Sabi ko, ‘Anong nangyari?’ Parang ang bilis lang, parang split-second lang,” pagbabahagi ni Alden.


Masuwerte namang walang nasaktan sa nasabing aksidente dahil hindi malakas ang pagkakabangga ng tricycle sa kanilang sasakyan. Nagkasundo naman ang dalawang kampo na pumunta na lamang sa pinakamalapit na munisipyo upang gumawa ng report sa pangyayari.
Ayon kay Alden, hinayaan niya na ang kaniyang driver at assistant na lamang ang makipag-usap sa nakabanggang tricycle driver dahil ayaw niyang maimpluwensyahan ang pagsasaayos ng sitwasyon ng kaniyang katayuan bilang isang artista.
“Tinanong ko kung kayang bayaran. [Ang sabi] hindi raw. So, sige kung manghingi na lang tayo ng police report, para maipasok ko sa insurance,” kuwento ni Alden.
Trauma sa pagmamaneho?
Bukod pa sa aksidenteng kinaharap niya noong 2013, ikinuwento ni Alden na unang beses siyang naaksidente noong nagsisimula pa lamang siyang magmaneho ng sasakyan.


Taong 2012, halos nagsisimula pa lamang daw siyang mag-artista nang subukan niyang magmaneho. Ayon sa kaniya, wala siyang proper training dito.
Mabagal naman daw ang pagmamaneho niya, habang sinusundan ang motor na may lulan na dalawang pasahero. Sakay daw ng motor ang isang lalaki at ang anak nitong babae na walang suot na helmet.
“Nag-text po ‘yung handler ko, bigla akong napatingin [sa cell phone.] ‘Yung two seconds na ‘yun, pagtingin ko, nabangga ko na ‘yung motor sa harap.‘Yun, aminin ko, fault ko ‘yun, pero siyempre binaba ko. Nag-sorry ako,” pagkukuwento ni Alden.
Kusang loob din niyang dinala sa ospital ang mag-ama para mapatignan. Sinagot din ni Alden ang gastusin sa ospital, bagama’t wala namang matinding sugat na tinamo ang mag-ama. Nagpunta rin sila sa istasyon ng pulis para mag-report.
Naikuwento rin ni Alden na muntik na siyang bumangga sa isang poste nang minsang nagmamaneho raw siya pauwi galing sa isang taping. Dahil daw kasi sa sobrang pagod, inabutan na raw siya ng antok sa kalsada.
“Nagkakataon po na minsan wala pong driver kasi day off. Nag-drive ako galing sa taping. Hindi ko na kaya, pero gusto ko na lang talagang umuwi. Napapikit akong kaunti, siguro mga one second lang. ‘Yung one second na ‘yun, malapit na ako sa poste nung bridge. Bigla kong binawing ganu’n, so siyempre nagising naman ako,” pagbabahagi ni Alden.
_2015_09_14_16_00_51.jpg)
_2015_09_14_16_00_51.jpg)
Sa kabila naman ng mga nangyaring aksidente sa kaniya, patuloy pa rin daw sa pagmamaneho si Alden. Malaking bagay rin daw na ipina-bless niya ang kaniyang sasakyan upang siguruhing ligtas ang bawat niyang paglalakbay.
“Kahit na gaano kadalubhasa sa isang bagay kagaya ng pagmamaneho ng sasakyan, hindi ka puwedeng mag-relax. Kasi ang daan sasaglitin ka lang niyan, lalo na sa highway, ‘yung halimbawa nagda-drive ka tapos inaantok ka, mapikit ka lang ng kaunti, buhay mo na ‘yung kapalit nu’n,” paalala pa ni Alden.
Alisto sa lahat ng oras
Bukod pa sa mga aksidente sa kalsada, tinanong din namin si Alden kung ano nga ba ang mga pag-iingat na kaniyang ginagawa kapag nasa taping siya, lalo na ngayong dagsa ang fans na sumusunod sa kaniya, bunsod ng AlDub Fever.
_2015_09_14_16_00_12.jpg)
_2015_09_14_16_00_12.jpg)
Ayon sa aktor, may mga pagkakataon din daw na hindi maiiwasang masaktan siya sa tuwing magkakagulo na ang AlDub fans. Sa kabila nito, masaya pa rin naman daw siyang nakapagbibigay ng saya sa mga tao.
“Parang magugulat na nga lang ako after, may sugat na ako diyan. Pero, I don't mind, dahil masaya, masarap sa pakiramdam. Maabot ka lang nila, masaya na sila sa ganu’n,” sabi pa ni Alden.
Pero ang higit daw niyang ikinababahala ay ang magkasakitan ang kaniyang mga tagasubaybay.
“Delikado rin kasi. Hindi lang delikado para sa akin, delikado rin para sa mga tao. Kasi, the moment na binigyan ko sila ng opportunity na magkagulo, minsan, may naapakan, may matatandang naiipit, may mga bata. So, as much as possible, dapat safe din sila,” paliwanag ni Alden.
Maraming beses na raw kasing sinusundan siya ng kaniyang fans sa lahat ng shoot at taping, na walang pinipiling lugar o oras. Kaya para kay Alden, higit pa ring mahalaga ang pagsiguro sa kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kaniya.
_2015_09_14_15_59_40.jpg)
_2015_09_14_15_59_40.jpg)
Kaya ang payo ni Alden sa mga tagahanga: “Makikita n’yo pa ako madalas. Hindi n’yo naman kailangan magpagabi, pumunta nang pagkalayo-layo sa isang location na delikado. Kasi, siyempre sa dami nila hindi ko sila maisabay. Gusto ko man silang isabay sa sasakyan ko, pero ‘yun nga lang, [hindi kaya.] Moreover, masarap sumuporta sa mga artista. Pero, siyempre kailangan bago sumuporta, ingatan din nila ‘yung sarili nila.” —BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Alisto" tuwing Lunes, 5:20 ng hapon sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Mapanonood ang "Alisto" tuwing Lunes, 5:20 ng hapon sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
More Videos
Most Popular