ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VP Binay, inireklamo muli ng pandarambong kaugnay naman ng BSP-Alphaland deal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinampahan ng panibagong reklamo ng pandarambong sa Office of the Ombudsman si Vice President Jejomar Binay. Ang bagong reklamo ay kaugnay ng umano'y maanomalyang bentahan ng lote na pagmamay-ari ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) sa property developer na Alphaland Corporation.
 
Sa 11-pahinang reklamo na inihain nitong Martes, sinabi ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na nagkasala sina Binay at 16 na kasapi ng BSP National Executive Board (BSP-NEB) sa ilalim ng Republic Act 7080 o ang Anti-Plunder Law, nang magsabwatan umano ang mga ito upang makapasok sa maanomalyang kontrata sa Alphaland para maibenta ang one-hectare property ng BSP sa panulukan ng Ayala Avenue Extension at Malugay Street sa Makati.
 
Ang naturang loto ay ibinigay umano ng BF Goodrich Philippines (Sime Darby na ngayon), sa BSP noong 1976.
 
Pag-akusa ni Mercado, nadehado ang BSP at maging ang gobyerno sa ginawang pagbebenta ng lote dahil wala umanong napakinabangan ang organisasyon ng mga kabataan sa naturang transaksiyon.
 
Base na rin umano sa pag-amin ni Alphaland president Mario Oreta sa ginanap noon na Senate hearing, sinabi ni Mercado na ang naturang ari-arian ng BSP ay nagkakahalaga ng P3 bilyon.
 
"Hanggang sa ngayon ay wala pang natatanggap ang BSP mula sa pagbenta ng lupang ito. Napakamura nilang binenta, sa halagang P600 million. Pero kahit 'yung P600 million ay hindi pa natatanggap ng BSP," pahayag ni Mercado sa mga mamamahayag nang ihain ang reklamo.
 
Nauna nang inakusahan ni Mercado na kumita si Binay, presidente ng BSP, sa naturang transaksiyon na umaabot P651 milyon. Sinabi nito na ginamit daw ni Binay ang pera para pondohan ang kandidatura nito nang tumakbong bise presidente noong 2010 elections.

Sinabi ni Mercado na hindi niya isinama sa kaniyang reklamo ang akusasyon niya na kumita si Binay sa naturang transaksyon.
 
“Bahala na ang Office of the Ombudsman na mag-determine kung magkano ang kinita niya sa anomalyang ito. Basta ang sinasabi ko dito [sa aking complaint] ay si Vice President Binay, bilang presidente ng Boy Scouts of the Philippines (BSP), ang nanguna sa pagbebenta ng lupang ito sa napakamurang halaga,” ani Mercado.

Bukod kay Binay, ang iba pang opisyal ng BSP na kasamang inireklamo ni Mercado ay sina:
 

  • Senior Vice President Wendell E. Avisado
  • Vice President for Luzon Del R. De Guzman
  • Vice President for Visayas Arturo V. Umbac
  • Vice President for Mindanao Miguel J. De Jesus
  • National Treasurer Enrique B. Lagdameo
  • Chief National Commissioner Pedro D. Destura
  • International Commissioner Dale B. Corvera
  • Secretary General J. Rizal C. Pangilinan
  • National Program Commissioner Pepito M. Carpio
  • National Public Relations Commissioner Maximino J. Edralin Jr.
  • Assistant National Treasurer Jose Eduardo C. Delgado
  • Deputy Chief National Commissioner for Luzon Romulo V. Brillantes
  • Deputy Chief National Commissioner for Visayas Remedios L. Petilla
  • Deputy Chief National Commissioner for Mindanao Henry C. Dy
  • National Executive Board member Jose Ma. C. Gastardo
  • National Executive Board member emeritus Roberto M. Pagdanganan
 

Dapat kasuhan si Mercado -- Binay camp

Samantala, sinabi ng kampo ni Binay na si Mercado ang dapat kasuhan  kaugnay ng BSP-Aphaland deal.
 
Paliwanag ni Atty. Rico Quicho,  spokesperson for political affairs ni Binay,  si Mercado umano ang gumawa ng paraan para sa naturang transaksiyon at humingi ng suhol sa Alphaland.
 
“Kung may kakasuhan sa Alphaland deal, dapat si ex-Vice Mayor Mercado. Malinaw na si Mercado ang nag-ayos ng kasunduan at humingi ng lagay sa Alphaland. Ayon 'yan mismo sa opisyal ng Alphaland na si Atty. Mario Oreta,” saad sa pahayag ni Quincho.
 
“What has been established in the Senate inquisition is that Mr. Mercado asked for personal benefit from Alphaland. The officers of the Boy Scouts of the Philippines and Alphaland have categorically denied the participation of the Vice President in the said transaction,” dagdag nito.
 
Iginiit niya na walang basehan ang alegasyon at dapat na ibasura sa isang patas na pagdinig.

Bukod sa kasong plunder kaugnay ng BSP-Alphaland deal, may apat pang kinakaharap na reklamong pandarambong si Binay na inihain naman ni Atty. Renato Bondal, na nakalaban ni suspended Makati Mayor Erwin “Junjun” Binay, sa mayoralty race noong 2013.
 
Ang mga reklamong pandarambong ay kaugnay ng umano'y overpriced construction ng Makati City Hall parking building,  ang umano'y overpriced construction ng Makati Science High School Building, ang umano'y overpriced construction din College of Nursing Building ng University of Makati, at umano'y illegal conversion ng public property sa Barangay Comembo sa Makati. -- FRJ, GMA News