ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Duguang bangkay ng isang babae, natagpuan sa loob ng inabandonang kotse


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang araw matapos umanong tangayin ng armadong lalaki, natagpuang duguan at wala nang buhay sa loob ng kotse ang isang babae sa Cebu City nitong Huwebes ng umaga.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas ng GMA News TV, dakong 5:00 a.m. nitong Huwebes nang madiskubre ng isang security guard ang bangkay ni Agnelen Uy, sa loob ng nakaparadang kotse sa barangay Mabolo, Cebu city.

Ayon sa security guard na si Wilfredo Paspi, napansin niya na nakaparada malapit sa establisimyentong kaniyang binabantayan ang sasakyan nitong Miyerkules ng gabi. Kaya sinilip niya ang sasakyan nitong Huwebes ng umaga at nakita ang bangkay ng biktima.

May balot ng tela at may dugo ang ulo ang biktima at nakagapos ng duck tape ang mga paa nito at may tape din sa leeg.

May mga pasa rin sa mukha at balikat ang biktima.

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng ID na nakita sa sasakyan. May nakita ring mineral water bottle na may lamang gasolina sa loob ng sasakyan, bala at cellphone.

Sa punerarya, positibong kinilala ni Wayne Christophery Uy, ang biktima na kaniyang asawa na si Agnelen. Pag-aari rin nila ang sasakyan kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.

Napag-alaman na nagpa-blotter si Wayne sa Subangdako Police Station dakong 10:00 p.m. nitong Miyerkules dahil sa umano'y insidente ng pagbabanta sa buhay.

Sa incident report, sinabi ni Wayne na kasama niya ang biktima sa loob ng sasakyan at nagda-drive malapit sa isang unibersidad sa may north reclamation area nang harangin sila ng suspek na nakamotorsiklo dakong 7:00 p.m.

Hindi raw nakilala ang lalaki dahil naka-full face helmet ito at armado ng baril.

Dahil sa takot, bumaba umano ng sasakyan si Wayne at sumakay naman daw ang suspek at tinangay ang kotse kasama ang kanyang misis.

Bago mangyari ang krimen, napag-alaman na noong Agosto ay nagkaroon ng problema sa pagsasama ng mag-asawa na umabot din sa pagpapa-blotter ni Wayne.
 
Pero naresolba raw ng mag-asawa ang kanilang sigalot, ayon sa Subangdako police.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen para malaman kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa biktima. -- FRJ, GMA News

Tags: crime