Alden Richards, labis ang pasasalamat sa Ilonggo fans
Kasunod ng matagumpay niyang Kapuso Fans Day sa Iloilo City nitong Biyernes, nagpaabot ng labis na pasasalamat ang "Pambansang Bae" na si Alden Richards.
Sa isang ulat ng Philippine Entertainment Portal nitong Sabado, sinabing tinatayang nasa 50,000 katao ang dumagsa sa isang mall sa Iloilo kung saan isinagawa ang pagtitipon.
Ibinalita rin na nag-abiso ang lokal na pamahalaan sa mga motorista kaugnay sa gagawing pagsasara sa Paseo de Iloilo dahil inaasahan na dadagsain ang mga tao ang Kapuso Fans Day.
Dahil sa pagdagsa ng mga tao sa mga mall na pinupuntahan ni Alden para magtanghal kahit siya lang mag-isa, may nagbabansag na umano sa Kapuso star na "mall show king."
Sa kaniyang Twitter account, pinasalamatan ni Alden sa salitang bisaya ang fans na nagbigay sa kaniya ng oras para dumalo makasama siya sa fans day.
Madamo nga salamat mga Kapusong Ilonggo!!! ALDUB you all!!! Glory to God!!! ???????? pic.twitter.com/yVNKvXueHF
— Alden Richards (@aldenrichards02) November 6, 2015
-- FRJ, GMA News