ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kampanya vs droga sa Davao City, patuloy; 2 target ng raid, patay sa mga pulis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling nasagawa ng malaking operasyon ang mga awtoridad sa Davao City laban sa iligal na droga at kriminalidad. Sa magkahiwalay na operasyon, dalawang lalaki na nagtutulak daw ng droga at hired-killer ang napatay ng mga pulis matapos manlaban daw.

Sa ulat ni John Paul Seniel ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing hindi rin bababa sa 40 katao ang nadakip sa sinalakay na drug den sa lungsod.

Ang inilunsad na mga operasyon nitong Huwebes ng madaling araw ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-Region 11), Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at Davao city Police Office.

Dalawa sa mga target ng mga pulis na sina Sonny Pajigal at Jonas Jovan, ang napatay ng mga operatiba dahil nanlaban umano.

Nakuha umano kay Pajigal ang isang baril at mga pakete ng shabu.

Samantala, ang empleyado umano ng Davao agriculture office si Jovan, bukod sa sangkot sa pagtutulak ng droga ay isa rin daw hired-killer.

Nasa mahigit 40 katao naman ang dinakip sa sinalakay na drug den sa Boulevard area.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa raid ang hindi bababa sa 100 gramo ng hinihinalang shabu, hindi bababa sa isang kilo na marijuana, mga drug paraphernalia, mga baril, mga bala, dalawang granada  at mga motorsiklong ginagamit umano sa transaksyon ng mga suspek. -- FRJ, GMA News