ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga nakatenggang proyekto ng gobyerno, babalikan ng 'Investigative Documentaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Investigative Documentaries
Updated
24 December 2015 Episode

Nasira ang mahigit sa 80 metro ng gilid ng dike sa Tarlac City noong 2013 dahil sa bagyong Labuyo at Quedan. Pinondohan ng halos P60 milyon ang pagpapagawa ng dike kasama ang katabi nitong kalsada. Ang problema, hindi pa man tapos ang proyekto ay nasira na naman ito ng bagyo noong Setyembre 2014.

Ayon sa mga eksperto, substandard ang pagkakakumpuni sa dike. Dapat ay tumatagal raw ng tatlong dekada ang mga proyektong pang-imprastraktura.

Muling ginawa ang dike at makalipas ang isang taon, nakarating sa amin ang balita na sira na ulit ito. Sumbong ng mga residente, muling gumuho ang dike nitong Oktubre lang matapos manalasa ang bagyong Lando.

Ang footbridge naman sa barangay Anabu sa Imus, Cavite, isa at kalahating taon na mula nang umpisahan pero hanggang ngyon ay hindi pa rin tapos. Nagkaroon kasi ng aberya sa pagtatayuan ng hagdan na pribado pala. Mahigit P14 milyon ang halaga ng proyekto na hindi pa rin napakikinabangan.

Sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City, nakatengga ang konstruksiyon ng kalsada. Mahigit P600,000 ang pondo para sa 80 metrong daan.

Nahinto raw ang proyekto dahil sa problema sa dadaanan ng mga trak na may karga ng materyales. Naniningil daw ng mahigit isang libong piso kada trak ang Filhomes II kapag ginamit ang daan ng subdivision.

Alamin kung may nagbago na ba sa sitwasyon ng ilan sa mga sinisayat nating proyekto.

Huwag kaligtaang tumutok sa Investigative  Documentaries  ngayong bisperas ng Pasko, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11!

Tags: plug