Isyu ng mga abusadong taxi driver, sisiyasatin ng 'Brigada'
ABUSADONG TAXI DRIVER?

Viral kamakailan lang ang mga taxi driver na nakunang tila high blood sa kanilang mga pasahero. Dahil ditto, tila mga kabuteng nagsulputan din ang iba pang horror stories ng mga pasaherong naagrabyado rin daw ng mga abusadong taxi driver. Mainit na usapin na naman tuloy ngayon kung epektibo nga ba ang mga hakbang ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board para maprotektahan ang mga pasahero mula sa mga mapang-abusong taxi driver. Sinuri ni John Consulta ang pulso ng mananakay dito sa kalakhang Maynila hinggil sa kaligtasan ng publikong tumatangkilik sa mga taxi.
ALAALANG NINAKAW

Paraisong maituturing para sa mga turistang naghahanap ng kapayapaan sa kalikasan ang Sagada sa Mountain Province. Dito matatagpuan din ang iba’t ibang patunay ng mayamang kultura ng mga taga-Sagada, kabilang na ang burial jars na nagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa mga yumao nilang ninuno. Subalit nakalulungkot na may ibang mga turista diumano ang nagagawang lapastanganin ang yamang ito ng kanilang tradisyon dahil sa napaulat na insidente ng pagnanakaw ng ilang burial jars sa mga kuweba rito. Sinubukang alamin ni Victoria Tulad kung saan matatagpuan ang mga nawawalang burial jars na ito.