Special children, lolo't lola, malapit sa puso ni Glaiza de Castro
Sa kaniyang kaarawan, naglaan ng panahon si Glaiza de Castro para sa mga nakatatanda na inaalagaan ng isang organisasyon at nagdaos siya ng benefit concert para sa mga special children.
Sa "Starbites" report ni Lhar Santiago sa GMA News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naging matagumpay ang birthday concert na ginawa ni Glaiza sa kaniyang bayan sa Valenzuela.
Nakasama ni Glaiza sa pagpapasaya sa mga dumalo sa kaniyang concert sina Gabby Eigenmann at Jay-R.
Ibibigay ni Glaiza ang buong halagang kinita sa concert sa isang institusyon na tumutulong sa special children.
"Malapit po sa puso ko 'yan (special children) dahil sa family namin meron kaming gano'n, 'yung pamangkin ko. Naisipan ko na sa dami ng blessing na dumating sa akin last year, nu'ng 2015, it's time to pay it forward," saad ng Kapuso star.
Bukod sa special children, ibinahagi rin ni Glaiza ang kanyang kaarawan sa mga nakatatanda na tumutuloy sa Emmaus Home for the Elderly sa Malolos, Bulacan.
Napanood daw kasi ng actress-singer sa GMA News "24 Oras" noong bago magpasko ang istorya ng mga nakatatanda sa Emmaus kaya nagpasiya siyang makasama sila sa kanyang kaarawan.
Inawitan sila ni Glaiza at siya pa mismo ang nagsilbi sa kanila sa pagbibigay ng pagkain.
Bakit nga ba malapit sa puso ni Glaiza ang mga nakatatanda, paliwanag niya, "Lumaki rin po kasi ako sa mga lolo't lola ko. Sila po yung nag-alaga sa 'kin nu'ng bata ako."
Dagdag pa ni Glaiza, nakakalungkot na may mga nakatatanda na napapabayaan. Kasabay nito, masaya na malaman na mayroon mga katulad ng Emmaus na kumukopkop sa mga lolo't lola na walang kamag-anak at walang matirhan. -- FRJ, GMA News