Bagong pakulo ng 'Wowowin,' dadalhin ni Willie Revillame sa mga tahanan
Sa pagbabalik ng Wowowin bilang daily show simula sa Lunes, masayang ibinalita ni Willie Revillame na may bagong pakulo ang programa na puwedeng manalo ng pera ang mga nasa bahay.
Sa panayam sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Willie na mas pinabongga nila ang studio ng Wowowin para sa ikagaganda ng programa at ikasisiya ng mga manonood.
Pero bukod sa mga kilala nang palaro sa programa, ipinakita rin ni Willie ang bagong palaro na "Cash-Salo."
Sa naturang palaro, papasok ang kalahok sa isang malaking class tube na may pera at hangin. Dito ay kailangang magwalis ng kalahok para masalo ang liliparing pera na kaniyang mapapanalunan.
Ayon pa kay Willie, ang naturang palaro ay iikot niya sa Metro Manila sakay ng truck at kakatok siya sa mga bahay para maghanap ng maglalaro sa "cash-salo."
Samantala, ang mga nais na manood sa studio ay kailangan lamang tumawag sa numerong 710-3527, o mag-email sa wowowinGMA@yahoo.com.ph.
Paalala ni Willie, walang bayad at libre ang panonood sa studio kaya huwag maniwala sa mga manloloko na manghihingi ng pera para makapanood sa studio.
Mapapanood ang Wowowin bago mag-24 Oras. -- FRJimenez, GMA News